Paghahanap ng Kagalakan

Anim na Katotohanang Mula sa Banal na Kasulatan

Article by

Founder & Teacher, desiringGod.org

(Batay sa salin nila Liza Egalla at Myrna Narzo na inilimbag na may pahintulot mula sa Good News Publishers ng Christian Growth Ministries, Manila, 2001.)

Alam mo ba na ipinag-uutos ng Diyos ang ating kasiyahan?

"Magkaroon ka ng kasiyahan sa PANGINOON at ibibigay niya sa iyo ang mga hangarin ng iyong puso." (Mga Awit 37:4)

1) Tayo ay nilalang ng Diyos para sa Kanyang kaluwalhatian.

Dalhin ninyo ang mga anak kong lalaki mula sa malayo at ang mga anak kong babae mula sa mga dulo ng daigdig, ... ang mga nilikha ko para sa aking kaluwalhatian ... (Isaias 43:6-7)

Tayo ay nilikha ng Diyos upang palakihin ang kadakilaan Niya—tulad ng pagpapalaki ng mga teleskopyo sa mga bituin. Nilikha Niya tayo upang itanghal ang Kanyang kabutihan at katotohanan at kagandahan at karunungan at katarungan. Ang pinakadakilang pagtatanghal ng kaluwalhatian ng Diyos ay nag-uugat sa malalim na pagkalugod ng Kanyang mga nilalang sa kabuuan Niya bilang Diyos. Siya ay naluluwalhati at tayo ay nasisiyahan. Nilikha Niya tayo upang Siya ay lubusang maluwalhati sa atin kapag tayo ay lubusang nasisiyahan sa Kanya.

2) Ang lahat ng tao ay dapat mamuhay para sa kaluwalhatian ng Diyos.

Kaya kung kayo’y kumakain o umiinom o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo sa ikaluluwalhati ng Diyos. (I Mga Taga Corinto 10:31)

Kung tayo ay nilikha ng Diyos para sa Kanyang kaluwalhatian, maliwanag na dapat tayong mamuhay para sa Kanyang ikaluluwalhati. Ang ating tungkulin ay nagmumula sa Kanyang tangkain. Dahil dito, ang pangunahing tungkulin natin ay ipamalas ang kahalagahan ng Diyos sa pamamagitan ng ating lubos na kasiyahan sa kabuuan Niya para sa atin. Ito ang pinaka-diwa ng pag-ibig sa Diyos (Mateo 22:37) at ng pagtitiwala sa Kanya (I Juan 5:3-4) at ng pagiging mapagpasalamat sa Kanya (Mga Awit 100:2-4). Ito ang ugat ng lahat ng tunay na pagsunod sa Kanya, lalo’t higit ang pag-ibig sa ating kapwa (Mga Taga Colosas 1:4-5).

3) Lahat tayo ay nabigo sa ating tungkulin na luwalhatiin ang Diyos.

Pagkat lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. (Mga Taga Roma 3:23)

Ano ang ibig sabihin ng “hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos?” Ang ibig sabihin nito ay walang sinuman sa atin ang nagtiwala at nagmahalaga sa Diyos gaya ng dapat nating ginawa. Hindi tayo nasiyahan sa Kanyang kadakilaan at hindi tayo namuhay ayon sa Kanyang kapamaraanan. Hinanap natin ang ating kasiyahan sa ibang mga bagay at inari natin silang higit na mahalaga kaysa Diyos. Ito ang pinakabuod ng pagsamba sa mga diyus-diyusan (Mga Taga Roma 1:21-23). Mula nang pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, naging matindi ang ating pagtanggi sa Diyos bilang tanging kayamanang nakapagbibigay ng buo at tunay na kasiyahan (Mga Taga Efeso 2:3). Ito ay nakasisindak na paghamak sa kadakilaan ng Diyos (Jeremias 2:12-13).

4) Tayong lahat ay nasa ilalim ng makatarungang hatol ng Diyos.

Pagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan … (Mga Taga Roma 6:23)

Minaliit nating lahat ang kaluwalhatian ng Diyos. Sa paanong paraan? Sa pamamagitan ng pagtangi natin sa ibang mga bagay nang higit sa Kanya. Sa pamamagitan ng ating kawalan ng utang na loob, di-pagtitiwala, at pagsuway sa Kanya. Dahil dito, makatarungan ang Diyos sa hindi Niya pagpahintulot sa atin na tamasahin ang Kanyang kaluwalhatian magpakailanman. “Igagawad sa kanila ang walang hanggang kaparusahan at hindi sila tatanggapin sa harapan ng Panginoon at sa kadakilaan ng kanyang kapangyarihan” (II Mga Taga Tesalonica 1:9).

Ang salitang “impiyerno” ay ginamit sa Bagong Tipan ng labing-apat na ulit—at sa labindalawang ulit nito si Jesus mismo ang nagsasalita. Ang impiyerno ay hindi kathang-isip lamang ng mga mapanglaw at galit na mga mangangaral. Ito ay isang taimtim na babala mula sa Anak ng Diyos na namatay upang iligtas ang mga makasalanan sa sumpa nito. Ang pagwawalang-bahala natin sa babalang ito ay isang malaking pakikipagsapalaran.

Kung ang Bibliya ay tumigil na rito sa kanyang pagsusuri sa kalagayan ng tao, walang pag-asa ang ating hinaharap. Subali’t hindi dito tumigil ang Bibliya ...

5) Sinugo ng Diyos ang Kanyang bugtong na anak na si Jesus upang bigyan tayo ng buhay at kagalakang walang-hanggan.

Ang sasabihin kong ito’y katotohanan na dapat tanggapin at paniwalaan: Si Cristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan ... (I Timoteo 1:15)

Ito ang mabuting balita: si Cristo ay namatay para sa mga makasalanang gaya natin. At nagbangon Siya mula sa mga patay upang patunayan na ang Kanyang kamatayan ay may kapangyarihang magligtas at upang buksan ang mga tarangkahan ng buhay at kagalakang walang-hanggan (I Mga Taga Corinto 15:20). Ang ibig sabihin nito ay maaaring mapawalang-sala ng Diyos ang mga nagkasala at manatiling makatarungan (Mga Taga Roma 3:25-26). “Sapagkat si Cristo’y minsang namatay para sa kasalanan ng lahat, ang walang kasalanan para sa mga makasalanan, upang ilapit kayo sa Diyos” (I Pedro 3:18). Sa pag-uwi sa Diyos matatagpuan ang lahat ng malalim at walang-hanggang kasiyahan.

6) Ang mga pakinabang na dulot ng pagkamatay ni Cristo ay pag-aari ng mga magsisisi at mananampalataya sa Kanya.

Kaya magsisi na kayo ngayon at magbalik-loob sa Dios. Sa gayon, papawiin niya ang inyong mga kasalanan ... (Mga Gawa 3:19)

Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka ... (Mga Gawa 16:31)

Ang “pagsisisi” ay nangangahulugan ng pagtalikod sa lahat ng mga mapandayang pangako ng kasalanan. Ang “pananampalataya” ay ang pagkakaroon ng kasiyahan sa lahat ng ipinangako ng Diyos sa atin kay Jesus. “Ang sumasampalataya sa akin,” sabi ni Jesus, “ay hindi na mauuhaw kailanman” (Juan 6:35). Hindi natin kayang kitain ang ating kaligtasan. Kailanman hindi tayo maaring maging karapatdapat dito (Mga Taga Roma 4:4-5). Ang kaligtasan ay ayon sa biyaya, sa pamamagitan ng pananampalataya (Mga Taga Efeso 2:8-9). Ito ay kaloob na walang bayad (Mga Taga Roma 3:24). Ito ay mapapasaatin kung atin itong pakamamahalin sa lahat ng bagay (Mateo 13:44). Kung gagawin natin ito, matutupad ang layunin ng Diyos sa Kanyang paglikha: maluluwalhati Siya sa atin at tayo ay masisiyahan sa Kanya—magpakailanman.

Nauunawaan mo ba ito?

Ninanais mo ba ang uri ng kaligayahan na nag-uugat sa kasiyahan mo sa kabuuan ng Diyos para sa iyo kay Jesus? Kung ganoon, ang Diyos ay kumikilos sa iyong buhay.

Ano ang dapat mong gawin?

Talikuran mo ang mga mapandayang pangako ng kasalanan. Tumawag ka kay Jesus upang iligtas ka sa pagbabagabag at sa kaparusahan at sa pang-aalipin ng kasalanan. “Bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas” (Mga Taga Roma 10:13). Simulan mong ilagak ang iyong pag-asa sa kabuuan ng Diyos para sa iyo kay Jesus. Wasakin mo ang kapangyarihan ng mga pangako ng kasalanan sa pamamagitan ng iyong pagsampalataya sa nakahihigit na kasiyahan na masusumpungan sa mga pangako ng Diyos. Umpisahan mong basahin ang Bibliya upang masumpungan mo ang mga mamahalin at napakadakilang pangako na makapagpapalaya sa iyo (II Pedro 1:3-4). Humanap ka ng iglesyang nananalig sa Bibliya at simulan mong sumamba at lumago doon kasama ng ibang mga taong nagmamahalaga kay Cristo nang higit sa lahat ng bagay (Mga Taga Filipos 3:7).

Ang nakatutuwang balita ay ito: hindi magkasalungat ang kagalakan natin at ang kabanalan ng Diyos. Kung tayo ay lubusang nasisiyahan sa kabuuan ng Diyos para sa atin kay Jesus, Siya ay ating itinatanghal bilang pinakadakilang Kayamanan sa lahat.

“Ipinabatid mo sa akin ang daan ng buhay; sa iyong harapan pupuspusin mo ako ng kagalakan, ang kaligayahang walang hanggan sa kanan mong kamay.” (Mga Awit 16:11)


Ang mga pagbanggit sa salitang “impiyerno” o “impierno” sa Bagong Tipan

Datapuwat sinasabi ko ngayon, Sinumang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman. At sinumang lumait sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin. At sinumang magsabi sa kanyang kapatid ng ‘Ulol ka’ ay nanganganib na ibulid sa apoy ng impierno. (Mateo 5:22, si Jesus ang nagsasalita)

Kaya, kung ang mga mata mo ang mag-aakay sa iyo sa pagkakasala, dukitin mo. Mabuti pang mawalan ka ng mata kaysa may mata ka nga ngunit mabubulid naman sa impierno. (Mateo 5: 29, si Jesus ang nagsasalita)

Kung ang mga kamay mo ang magiging dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo at itapon. Mabuti pang mawala ang iyong kamay kaysa mahulog ka sa impierno na buo ang katawan. (Mateo 5:30, si Jesus ang nagsasalita)

Huwag kayong matakot sa pumapatay ng katawan ngunit hindi makapapatay sa kaluluwa. Ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impierno. (Mateo 10:28, si Jesus ang nagsasalita)

Kung ang mata mo ang magiging dahilan ng pagkakasala mo, dukitin mo at itapon. Mabuti pang iisa ang matang pumasok sa buhay kaysa dalawa ang mata ngunit mabubulid naman sa apoy ng impierno. (Mateo 18:9, si Jesus ang nagsasalita)

Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig, makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. At kung mahikayat na’y ginagawa ninyong masahol pa kaysa inyo, kaya’t nagiging ibayo ang dahilan para siya’y parusahan sa impiyerno. (Mateo 23:15, si Jesus ang nagsasalita)

Kayong mga ahas, mga lahi ng ulupong! Paano kayong makaliligtas sa kaparusahan ng impierno? (Mateo 23:33, si Jesus ang nagsasalita)

Kung ang kamay mo ang magbubulid sa iyo sa pagkakasala, putulin mo. Mabuti pang magpunta ka sa langit na putol ang iyong kamay kaysa may dalawa kang kamay ngunit mapupunta naman sa impierno na ang apoy ay hindi namamatay kahit kailan. (Marcos 9:43, si Jesus ang nagsasalita)

At kung ang paa mo ang magbubulid sa iyo sa pagkakasala, putulin mo. Higit na mabuting mapunta ka sa langit na putol ang iyong mga paa kaysa dalawa ang paa mo ngunit ihahagis naman sa impierno. (Marcos 9:45, si Jesus ang nagsasalita)

At kung ang mata mo ang magiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo. Higit na mabuting pumasok ka sa kaharian ng Dios na iisa ang mata kaysa may dalawang mata ngunit ibubulid sa impierno. (Marcos 9:47, si Jesus ang nagsasalita)

Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: Ang katakutan ninyo ay ang may kapangyarihang magbulid sa inyo sa impierno pagkatapos patayin ang inyong katawan. Oo, siya nga ang katakutan ninyo. (Lucas 12:5, si Jesus ang nagsasalita)

Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa impiyerno, tumingala ang mayaman at nakita sa malayo si Abraham at sa kanyang piling ay naroon si Lazaro. (Lucas 16:23, si Jesus ang nagsasalita)

Ang dila’y parang apoy, isang daigdig ng kasamaan sa gitna ng mga sangkap ng katawan. Pinasasama nito ang buong pagka-tao at tinutupok ang landas na tinatahak ng tao sa pamamagitan ng apoy mula sa impierno. (Santiago 3:6, si Santiago ang nagsasalita)

Maging ang mga anghel na nagkasala’y hindi pinatawad ng Dios, ibinulid sila sa impierno, ikinulong sa madilim na mga yungib upang ilaan sa kahatulan. (2 Pedro 2:4, si Pedro ang nagsasalita)


Maliban sa Mateo 23:15, ang lahat ng mga banggit sa sermon na ito ay galing sa Ang Biblia: Bagong Salin sa Pilipino (New Pilipino Version), ©1986 ng Manila International Bible Society. Ang Mateo 23:15 ay galing sa Magandang Balita Biblia (Biblia na isinalin sa Wikang Tagalog), ©1980 ng Philippine Bible Society.

© Desiring God

Pahintulot: Kayo ay may pahintulot na kopyahin at ipamahagi ang katuruang ito sa anumang “format” na nais ninyo. Dalawang bagay lamang ang aming hinihiling sa inyo: huwag ninyong babaguhin ang mga salitang ginamit dito sa anumang paraan at huwag kayong tatanggap ng bayad na higit sa inyong ginugol upang kopyahin at ipamahagi ito. Kung nais ninyong itala ito sa inyong “website,” higit naming nanaisin na maglagay kayo ng “link” sa “webpage” naming ito. Kung nais ninyo ng “exception” sa mga kahilingang ito, kailangang humingi kayo ng karagdagang pahintulot mula sa Desiring God.

Pakilagay ang sumusunod na pahayag sa lahat ng kopya na inyong ipapamahagi: Isinulat ni John Piper. © Desiring God. Website: http://www.desiringGod.org.